Nawala kahapon, nawawala ngayon, mawawala bukas.
“Kamehame wave!!”, “Ray gun!!” Naalala niyo pa ba ang mga salitang ito? Ito ang ilan sa mga bakas ng ating kabataan na kung saan sinusubaybayan natin ang bawat yugto ng kanilang pakikipaglaban sa kampon ng kasamaan. Ramdam na ramdam natin sa ating kaibuturan ang giting at gilak na dinadala ng mga mandirigmang ito sa bawat suntok at sipang binabaon nila sa kanilang mga kalaban. Kung kaya’t inasam natin bilang mga bata ang makipagtuos kasama ng ating mga bayani. Ano pang paraan ang pinakaangkop kundi ang pagtutunggali gamit ang mga maliliit na cardboard kung saan ang ating mga mandirigma ay tila nakahanda na para sumugod. Ang tawag sa mga cardboard na ito ay mga teks. Masaya laruin ang mga teks dahil unang-una, mura lang kung bibilhin ang mga ito kaya nga minsan banig-banig na ang binibili ng karamihan. Nilalaro ang mga ito sa pamamagitan ng dalawang paraan. Pwedeng magsalpukan kayo ng kamay ng iyong kalaro kasama ang mga teks at kung sinong bayani ang nakaharap sa taas ay ang nagwagi. Maaari rin na pitikin ang dalawang magkatunggaling teks kasama ang isang “panggulo”. Dito ibinabase kung ano ang dapat kinalabasan ng iyong teks para manalo. Bukod sa paglalaro, siguradong hindi ka rin madidismaya sa pagkakaroon ng teks dahil sa mga kakatwang imahe na makikita mo sa bawat teks. Makikita mo ang iyong mga paboritong bayani, mga kakampi nila at kahit mga kalaban. At ang masaya pa dito ay madadala mo silang lahat sa loob ng iyong bulsa.
Ngunit sa kasamaang palad, unti-unti nang nawawalan ng saysay ang mga teks na ito. Unti-unti ng nawawalan ng mga taong dapat protektahan ang mga bayaning ito. Unti-unti na silang nawawalan ng rason para makipaglaban pa. Bakit? Dahil sa pagdating ng mga bagong paraan ng pang-aaliw tulad ng paglalaro ng PSP, computer games, at iba pang laro na kung saan tila hinihigop ng salaming puno ng kulay ang mga mata ng naglalaro. Hindi lang teks ngunit pati mga jolen at pog ay nalilimutan na rin. Hahayaan na lang ba natin na lamunin sila ng dilim na dala ng takipsilim ng ating kabataan? Pababayaan na lang ba natin na gumising tayo sa bagong henerasyon na kung saan hindi man lang natin naipamahagi sa kanila ang mga munting bagay na nagdala sa atin ng lubusang saya at buhay?
- Patrick Arcellana
Ang holen ang kadalasang laro sa labas ng bahay na kung saan maghuhukay ng maliliit na butas sa lupa at pipitikin ang mga ito at susubukang ipasok sa butas. Katulad ng mga larong Pinoy na nakalimutan na ng kasalukuyang henerasyo, hindi na pinapansin ng mga bata ngayon ang holen dahil natabunan na ito ng makabagong teknolohiya. Bagamat hindi ito tuluyang nawala sa ating kultura, marami ngayon ang hindi pamilyar kung paano ito laruin at gamitin. Nakakatuwang isipin na ginagamit din ito minsan bilang burloloy sa loob ng bahay.
- Kat Cabanos
Balut! Balut! Balut! Ito ang mga sigaw na maririnig sa mga kalsada tuwing sisikat na ang gabi. Naglalakad sa kalsada at walang humpay na sinisigaw ang mga katagang ito na tila nakaka-tulili sa tenga. Ang nakakamangha sa pagsisigaw na ito ay parang gumagamit ng speaker ang sumisigaw ngunit purong boses lang ang gamit. Naglalakad sa kalsada at sumisigaw ng Balut na para sa ibang mga tao ay nakaka-irita ngunti para sa iba naman ito ay panawagan na merong masarap na pagkain na binebenta sa kalye. Naghuhudyat ang mga sigaw na ito ng isang tindero o minsan tinatawag na manong na may mga bagong lutong mga itlog na nakakabusog ngunit sa presyong mababa. Ang pagbebenta ng balut sa kalsada ng isang naglalakad na tindero ang naghuhudyat sa mga gutom, tambay, sunog-baga, mga nag-iinuman, at marami pang iba na may pagkain na puno ng sustansya na naghihintay para mabili nila.
Ang balut na binibenta ng mga tindero na ito ay mga lutong itlog ng bibe (o sisiw) kung saan puno ito ng sustansya tulad ng protina. Itunuturing ng mga ibang tao na ang balut bilang isang eksotikong pagkain dahil sa loob ng mga itlog na ito makikita ang pabuong sanggol na bibe. Ngunit sa kasamaang palad,unti-unti nang nawawala ang mga tinderong ito na sumisagaw sa ating mga kalsda tuwing gabi. Dahil sa konti na lamang ang tumatangkilik sa balut, kumokonti na lang rin ang mga nagtitinda nito. Isa pang dahilan ang matumal na ang benta ng tindero na mga ito. Dahil dito, nanatili na lamang sa isang lugar ang tindero ng balut at doon na lamang naghihintay ng kung sinuman ang bibili ng kanilang mga produkto at nawala na rin ang kanilang mga panawagan. Ngayon, ang mga tindero na ang hinihintay na puntahan ng tao, na baliktad sa nakagawiang paglalakad ng mga tindero sa kalsada.
- Noel Lavarias
Ang “scooter” o ang micro skate scooter ay isang uri ng laruang ginagamit bilang transportasyon ng mga bata sa kanilang komunidad. Kadalasan nilalaro ang “scooter” sa mga kalye kung saan pwede silang lumakbay gamit ito. Madalas rin itong nakikita sa mga park kagaya ng Quezon City Circle. Nauso ito sa simula ng dekadang 2000 ngunit ngayon kaunti na lang ang mga bumibili nito at halos wala na masyadong bata ang gumagamit nito. Mura lang naman ang scooter ngunit noong bagong labas ito, umaabot ito hanggang tatlong libong piso. Ang pinakasikat na scooter dati ang Razor na gawa ng JDBUG, isang kompanya sa Taiwan. Maalala natin na noong bata pa tayo, nagkaroon ng isang “scooter craze” dito sa ating bansa. Karamihan sa mga kabataan noon ay mayroong scooter, mahirap man o mayaman. Umabot pa nga ito hanggang probinsiya dahil ginamit ito bilang isang uri ng transportasyon ng mga nagtitinda.
Kaunti na lang ang mga natitirang scooter lalo na dito sa Maynila. Dahil sa mga bagong teknolohiya tulad ng mga I-Phone, I-Pod, laptop at PlayStation, hindi na masyadong naglalaro ang mga bata ng mga larong panlabas. Palagi na lang sila sa loob, nakatutok sa DOTA o kaya nanonood lamang ng telebisyon. Napalitan na sila ng mga indoor games kung kaya isa ito sa mga rason kung bakit hindi na aktibo ang mga bata ngayon at hindi sila sumusunod sa isang healthy lifestyle. Kung maibabalik pa natin ang mga outdoor games kagaya ng paglaro ng scooter nito, mas lalo magiging malusog ang mga bata at mararanasan nila ang kasiyahan na maglaro sa labas.
-Matthew Jatico
Ang pagbasa at pangongolekta ng komiks ay isang nawawalang uri ng libangan. Nakaaaliw siya sapagkat bumubuo ng isang mahabang kuwento ang komiks. Kailangang kolektahin at basahin silang lahat para maunawaan ang buong kwento. Noong mga 1970’s at 1980’s maaaring bumili ng komiks para sa ilang sentimo lang sa mga pabilihan ng libro. Ngunit ngayon, dahil sa pagdating ng Internet at graphic novels, nawawala na ang pagbasa at pangongolekta ng komiks. Nawawala na ito sapagkat maaari na silang basahin sa Internet o kaya’y bumili na lang ng mga graphic novels para kumpleto ang kwento sa iisang libro. Kahit na ang pangongolekta at pagbabasa ng mga komiks ay nawawala na. Mahalaga pa rin ito sapagkat sa komiks nanggaling ang marami sa mga sikat at kilalang kuwento at tauhan sa media ngayon.
- Martin Medina
Ang bunot ay isang kagamitang panlinis na yari sa balat ng niyog na naging malaking bahagi ng pang-araw-araw na buhay ng mga Pilipino dahil ginagamit ito upang pakintabin ang sahig ng mga bahay noon. Sinasalamin ng bunot ang pagiging malikhain ng mga Filipino at ang pagiging magiliw nila sa mga panauhin dahil nagbibigay sila ng kahalagahan sa itsura ng kanilang tahanan. Subalit sa paglipas ng panahon, dahil sa paglabas ng mga makabagong kagamitang panglinis at dahil na rin sa pagbabago ng pamamaraan ng paggawa ng mga bahay, unti-unti nang nalimot ng mga Filipino ang bunot. Animo’y binunot na paalis sa isipan ng mga Filipino ang pagkakaimbento sa bunot na nagpapaganda ng kanilang mga tahanan noon. Sa kabilang banda, may mabuting mensaheng ipinapalabas ang pagkawala ng bunot tungkol sa mga Filipino dahil ipinapakita nito ang pag-unlad na nararanasan ng bansa.
- Marlou Ramas
Ang teknolohiya ng photography ay isa sa mga modernong teknolohiyang nauuuso na sa kasalukuyan. Dati, ang mga kamera ay malalaki, mabibigat, at may limitadong dami ng film. Sa bilis ng pag-unlad ng teknolohiya, nagsululputan ang mga kamerang digital na maliit, magaan, at imbes na gumamit ng film, maaaring ilagay ang litrato sa memory ng kamera. Kakaunti na lamang ang lumang klase ng kamera na ginagamit pa sa kasalukuayan.
- Mark Tan
Ang paglalaban ng gagamba ay nawala na dahil marami nang libangan ng mga kabataan na pumalit dito. Isa sa mga dahilan ng pagkawala nito ay ang mga electronic gadgets katulad ng PSP, Nintendo DS, at mga high tech na cellphone. Mas marami ang taong makakalaro mo kung ang mga ito ang gamit mo, kahit ang mga nasa ibang bansa. Ito’y dahil sa kakayahan ng mga nito na kumonekta sa internet. Hindi katulad ng paglalaban ng mga gagamba, na harap harapan dapat kayo. Pero ang pang mas matandang uri ng gawaing ito ng mga Pilipino, ang sabong, ay buhay na buhay pa din sa ating bansa.
- JV Vitug
“Tulak-tulak niya ang bahay niyang kariton.” Ito ang unang depinisyon na pumapasok sa ating isipan tuwing naririnig o nakikita natin ang salitang kariton. Isang primitibong teknolohiya ang kariton kung saan pinangangailangan ito noong unang panahon. Ginagamit ito bilang karitela upang gumabay sa pagbubuhat ng mga mabibigat na gamit. Dahil sa modernisasyon, unti-unti ito nawala. Sa kasamaang palad, madalas na naiuugnay ito sa mga iskwater o pulubi para sa kanilang pang-araw-araw na dala-dalahan na nakikita natin sa kalsada. Palagi din natin inuugnay ang kariton sa mga mahihirap bilang “transportasyon” nila, o kaya’y kanilang tahanan.
Kamakailan lamang, nagwagi ang pinoy na si Efren Peñaflorida bilang CNN Hero of the Year dahil sa kanyang kabuting asal sa pagdala ng edukasyon sa mga batang maralita. Ang kanyang proyekto ay “Kariton Klasroom” at layunin nitong magturo sa mga batang lansangan. Maraming kabataang na hindi marunong sumulat at bumasa ang kanyang natulungan. Maraming kapuspalad na mga bata ang gustong mag-aral. Ang paraan ni Peñaflorida ang pinaka mabisang paraan para matulungan ang mga kabataan na maligtas sa kamangmangan.
“You are the change that you dream as I am the change that I dream, and collectively we are the change that this world needs to be. Be the hero to the next one in need, serve well, serve others above yourself and be happy to serve.” ~ Efren Penaflorida
- Richmond Chiong
Noong panahon bago magkaroon ng mga mas modernong paraan ng paglalaro, madalas makita ang mga bata noon na naglalaro ng ‘jolen’. Ang ‘jolen’ o sa Ingles, ‘marbles’, ay isang bilog na piraso ng kristal o ‘glass’ na nilalaro sa pamamagitan ng paghagis o pagpitik nito. Isang laro sa jolen ang paglaro sa lupa lang, tapos susulatan ng bilog ang lupa, kung saan ito ang nagsisilbing palugit ng pinaglalaruan. Ang layunin ng larong ito ay gamitin ang sariling ‘jolen’ at pitikin ito mula sa huling pinagbabaan nito at pitikin papunta sa ‘jolen ’ ng kalaro upang mailabas ang ‘jolen’ niya sa isinulat na bilog. Dahil sa pagkakaiba-iba ng laki, kulay at mga disenyo ng mga ‘jolen’, tulad ng ‘jolen’ na may puting balahibo sa loob o ‘jolen’ na kulay ginto sa kabila ngunit kulay pilak sa kabila, maraming sa kabataan ang naeenganyong maglaro nito. Pero dahil sa pagbabago sa teknolohiya, ang larong ‘jolen’ ay maaaring mawala, lalo na dahil may mga ibang pinagmumulan ng tuwa ang kabataaan ngayon, tulad ng Playstation, DotA, Facebook, Ipod, at pati na rin ang mga mababaw na laro sa cellphone, na mas pinapaboran ng mga bata ngayon kumpara sa makalumang laro ng jolen. Sa paunti-unting pagkakaroon ng modernisasyon, nawawalan ng diwa ang paglaro ng ‘jolen’, at nagiging nakakayamot na laro ito kaysa sa mga umuusbong na laro mula sa teknolohiya. Sa pagkawala nito, matatandaan ito bilang isang primitibong paraan ng palipas-oras, kung saan ang hagisan ng bilog na piraso ng salamin ang magiging labi ng nakaraan.
- Miguel Sanchez
